May ilang taong nagkaroon na ng COVID-19 na posibleng ilang linggo o buwan pang magkaroon ng mga sintomas. Alamin kung anong mga resource ang available kung hindi ka gumagaling mula sa COVID-19.

Sa page na ito:


Tungkol sa long COVID 

Maraming taong may COVID-19 ang gumagaling sa loob lang ng ilang linggo, pero may ilang nagkakaroon ng mga sintomas na tumatagal nang ilang buwan. Puwede itong mangyari sa sinumang nagkaroon ng COVID-19, kahit hindi naging malala ang kanyang sakit. Tinatawag itong kundisyon pagkatapos ng COVID, o “long COVID.” Mula pa noong Hulyo 2021, kinilala na ang long COVID bilang kapansanan sa ilalim ng Batas sa Mga Amerikanong May Kapansanan (Americans with Disabilities Act, ADA).

Puwedeng magkaroon ng long COVID ang sinuman, anuman ang kanyang edad, pero ayon sa pananaliksik, mas karaniwan ito sa mga nasa hustong gulang kaysa sa mga bata.


Saan kukuha ng pangangalaga para sa isang kundisyon pagkatapos ng COVID

Kung sa palagay mo ay mayroon kang kundisyon pagkatapos ng COVID, makipag-usap sa iyong doktor. Kung mayroon kang insurance, puwede kang tumawag sa numero sa iyong card ng insurance para humingi ng tulong sa pagpapa-appointment.

Puwede ka ring magpa-appointment sa isang outpatient na klinika na may espesyalisasyon sa pangangalaga pagkatapos ng COVID. May ilang klinikang nag-aalok ng mga virtual na programa kung saan puwede kang makipag-usap sa isang doktor nang hindi umaalis ng bahay.


Pagpaplano para sa iyong appointment

Tiyaking mayroon ka ng lahat ng kailangan mo para sa iyong appointment, sa personal o online ka man nagpapatingin sa isang doktor. I-download ang Checklist para sa Mga Kundisyon Pagkatapos ng COVID ng Mga Center para sa Pagkontrol at Pag-iwas sa Sakit (Centers for Disease Control and Prevention, CDC).


Mga tool sa pagpapagaling

Para sa ilang pasyente, nakakatulong sa pagpapagaling ang pag-eehersisyo sa bahay. Tanungin ang iyong doktor tungkol sa mga ehersisyong makakatulong sa mga karaniwang side effect ng COVID-19. Para sa ilang taong may mga kundisyon pagkatapos ng COVID, puwedeng lumala ang kanilang mga sintomas kapag nasobrahan sila sa ehersisyo, kaya mahalagang maghinay-hinay.

Tingnan ang Bouncing Back From COVID-19: Your Guide to Restoring Movement (Pagpapagaling mula sa COVID-19: Ang Iyong Gabay sa Pagpapanumbalik ng Paggalaw) mula sa Johns Hopkins Medicine.


Mga pansuportang grupo para sa mga kundisyon pagkatapos ng COVID

Puwedeng makatulong ang mga pansuportang grupo sa mga taong may long COVID. Bisitahin ang mga sumusunod na website para sa higit pang impormasyon. Puwedeng may pasagutan sa iyong form para makumpirmang isa kang totoong tao na nangangailangan ng suporta.


Mga benepisyo sa long COVID na kapansanan

Posibleng maging available para sa mga benepisyo sa kapansanan ang mga taong walang kakayahang magtrabaho dahil sa mga sintomas ng long COVID. Para maging kwalipikado bilang kapansanan, dapat ay lubos nitong nililimitahan ang isa o higit pang pangunahing aktibidad sa buhay. Kinakailangan ng pagsusuri para matukoy kung maituturing na kapansanan ang iyong kundisyon.

Kung nakakatugon ang iyong sakit sa kahulugan ng kapansanan, puwede kang mag-apply para sa mga benepisyo sa kapansanan online.

Kung nakakaapekto ang long COVID sa iyong kakayahang magtrabaho, puwede kang humingi sa iyong employer ng mga accommodation na makakatulong sa iyong gawin ang iyong trabaho. Bisitahin ang Departamento sa Paggawa ng US para sa higit pang impormasyon.


Mga tanong at sagot tungkol sa long COVID

Ano ang mga sintomas ng long COVID?

Kasama sa mga karaniwang sintomas ng long COVID ang:

  • Pagkahapo 
  • Problema sa pagtutuon ng atensyon (“brain fog”) 
  • Pananakit ng ulo 
  • Pananakit ng kalamnan 
  • Ubo 
  • Lagnat 
  • Pagkahilo  
  • Pagbabago sa pang-amoy o panlasa 
  • Problema sa pagtulog 
  • Mga sintomas na lumalala pagkatapos ng mga aktibidad sa pangangatawan o pag-iisip 

Hindi kumpleto ang listahang ito. Maraming iba pang naiulat na sintomas.

Ilang tao ang nagkakaroon ng long COVID?

Hindi malinaw ang eksaktong bilang ng mga taong nagkakaroon ng long COVID pagkatapos nilang mahawahan ng COVID-19. Ayon sa pananaliksik, puwedeng makaapekto ang long COVID sa 10-25% ng mga taong nagkaroon ng COVID-19.

Sino ang may posibilidad na magkaroon ng kundisyon pagkatapos ng COVID?

Puwedeng magkaroon ng kundisyon pagkatapos ng COVID ang sinumang nagkaroon na ng COVID-19, kahit hindi naging malala ang kanilang sakit. Mistulang mas karaniwan ang mga kundisyon pagkatapos ng COVID sa mga nasa hustong gulang kaysa sa mga bata. Posibleng mas karaniwan din ang mga ito sa mga taong mas may edad na, labis ang timbang, o may iba pang kundisyon sa kalusugan gaya ng type 2 diabetes.

Kailan ka dapat magpatingin sa isang doktor para sa kundisyon pagkatapos ng COVID?

Magpatingin sa isang doktor kung mayroon kang lagnat na mahigit 100.4F, kung hindi mo mapabuti ang iyong mga sintomas sa bahay, o kung hindi ka gumagaling mula sa COVID-19. Dapat kang makipag-usap sa isang doktor kung nahihirapan ka sa araw-araw dahil sa iyong mga sintomas. Halimbawa, kung hindi mo maituon ang iyong atensyon, kung hindi ka makatulog, o kung hindi mo magawa ang iyong mga karaniwang aktibidad.

Mayroon bang pagsusuri para sa long COVID?

Walang iisang pagsusuri na makakapag-diagnose ng long COVID. Dahil maraming sintomas ang long COVID na pareho sa iba pang sakit, mahalagang magpatingin sa isang doktor para matiyak na hindi dulot ng ibang sakit ang mga nasabing sintomas.

Paano ko maiiwasan ang long COVID?

Ang pinakamahusay na paraan para maiwasan ang long COVID ay ang hindi mahawahan ng COVID-19. Maiiwasan mo ang COVID-19 sa pamamagitan ng:  

  • Pagpapabakuna at pagpapa-booster. Ayon sa ebidensya, napapaliit ng pagpapabakuna laban sa COVID-19 ang posibilidad na magkaroon ng long COVID. 
  • Pagsusuot ng face mask kapag tumataas ang bilang ng mga kaso, at kapag may katamtaman o matinding hawahan sa komunidad. 
  • Pakikisalamuha outdoors kung posible. Kapag nagtitipon-tipon indoors, magkaroon ng maayos na bentilasyon. Magbukas ng mga pinto at bintana, paganahin ang mga HVAC system, at maglagay ng mga mataas na kalidad na air filter. 

Higit pang kapaki-pakinabang na resource